Pages

Wednesday, May 11, 2011

From the Holy Mass - Against Self-pity

Date: 8 May 2011
Saint of the day: St. Peter of Tarentaise
Occasion: 3rd Sunday of Easter
Location: San Pedro Cathedral Parish, Davao City, Philippines

jesus Pictures, Images and Photos

Bago po ang lahat ay humihingi po ako ng paumanhin sa inyo, at higit sa lahat sa Diyos, sapagkat hindi po ako nakadalo sa Banal na Misa noong ikalawang Linggo ng pagkabuhay ni Hesus. Ang artikulong ito ay magbibigay kaalaman sa inyo sa mga bagay-bagay na natutunan ko sa ikatlong Linggo ng pagkabuhay ni Hesus.


Tulad noong mga nakaraang Linggo sa pagpunta ko sa simbahan, bigo na naman akong makapwesto sa pinakaharap nito. Malaki ang pasasalamat ko sa Diyos at ako'y nabiyayaan pa rin ng magandang pwesto upang mapakinggan ko ang mabuting balita. Ngunit, hindi pa rin tuluyang nawala ang mga balakid sa aking pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Ang katabi ko kasi sa dakong kaliwa ay isang ina at kasama nya ang kanyang batang anak. Napakalikot ng bata kaya naman siguro'y noong kalagitnaan ng banal na misa ay napagdesisyonan ng ina na huwag na lamang tapusin ang misa at sila'y tuluyang umalis.


Muli, kagaya ng mga nabanggit ko sa mga nakaraang artikulo na ipinaskil ko sa blog na ito, ay maaaring ako'y magkamali sa mga lugar at taong mababanggit dito. Gayunpaman, dahil naniniwala akong naitanim ko sa aking balintataw ang mga turo ng pari, masasabi kong may isang porsyento na lamang ng probabilidad ng pagkakamali sa artikulong ito.


Narito ang kwento ng pari. Mula sa Herusalem, naglakbay pauwi si Pedro at ang isa pang Apostoles ni Hesus patungo sa Israel. Tinahak nila ang daan na tila ba walang buhay ang kanilang mga mukha. Halata sa kanilang itsura ang matinding kalungkutan na nararamdaman. Sa kanilang paglalakad ay hindi nila maiwasang pag-usapan ang sanhi ng kanilang kalungkutan - si Hesus. Umuwi silang bigo sapagkat naisip nila na wala ng magliligtas sa kanila dahil si Hesus ay namatay sa krus. Nadama nila ang awa sa kanilang mga sarili at matinding pagkabagabag. Bagama't naging usap-usapan sa Herusalem na muling nabuhay si Hesus, hindi nila ito pinaniwalaan sapagkat hindi naman nila nasaksihan ito. Sa kanilang paglalakbay ay may nakasalubong silang lalaki. Nakausap nila ito at naging kasama na rin sa mahabang paglalakad. Habang sila'y pauwi ay isinalaysay ng kasama nilang lalaki ang laman ng Lumang Tipan sa Bibliya. Malapit ng magdilim ngunit hindi pa nila natapos ang dalawampu't isang kilometrong paglalakbay. Napagpasyahan ng dalawang Apostoles ni Hesus na ipagpabukas nalang ang kanilang paglalakad at sila'y kakain muna at mamamahinga. Hindi sumang-ayon ang lalaking kasama nila at sinabing kailangan nyang marating ang susunod na bayan. Kinumbinsi ng mga Apostoles na manatali nalang muna ang hindi kilalang lalaki na kasama nila, at sa kabutihang palad ay napapayag nila ito.


Oras na nang hapunan. May hawak na tinapay ang lalaki at hinati-hati niya ito ng dahan-dahan upang maging pantay-pantay ang distribusyon nito. Sa 'di maipaliwanag na dahilan ay tila ba nag-usap ang mga isip ng dalawang Apostoles. At sa napakabilis na reaksyon, ay doon nila napagtanto na ang lalaking kasama nila sa paglalakbay ay si Hesus. Sa isang iglap ay biglang naglaho si Hesus. Hindi na hinintay ng mga Apostoles na sumikat ang araw. Sila'y humarurot pabalik sa Herusalem at doon nila ipinalaganap ang mabuting balita, totoong muling nabuhay ang Panginoon.


Napakagandang mensahe mula sa Bibliya ang aking natutunan sa ikatlong Linggo ng pagkabuhay ni Hesus. Hindi ito malayo sa realidad na umiiral ngayon sa ating lipunan. Alam naman nating lahat na walang perpekto sa mundo. Kung walang perpektong tao, isang konkretong analohiya rin ang pagsasabing walang perpektong buhay o pamumuhay.


Lahat tayo ay nakararanas ng mga paghihirap at mga pagsubok sa ating pang-araw-araw na pakikipagsapalaran sa mundo. Minsan magaan lang at nasosolusyunan natin ito nang mag-isa, minsan ay medyo mabigat at humihingi na tayo ng tulong sa iba, at minsan nama'y binagsakan na tayo ng langit at lupa sa sobrang hirap. Sa mga sandaling lubos tayong nahihirapan at para bang dinudurog ang ating puso't isipan, ay hindi natin maiwasang sumuko at maawa sa ating mga sarili. Sa pagsukong ito ay nagmistulan tayong bulag sa mga katotohanang pilit tayong pinupukaw. Maihahambing din natin ito sa isang kandila na kapares ang apoy upang ito'y makapagbibigay ng liwanag. Sa buhay natin, sa mga sandaling ang pag-asa ay patay, ay kailangan natin ng apoy upang ito'y muling mabuhay. Ngunit, sa sobrang awa natin sa ating mga sarili ay hindi na natin namamalayang tayo na mismo ang pumapatay sa mga mumunting apoy na muli sanang magpapausbong ng panibagong pag-asa sa atin. Kaakibat din ng katotohanang ito ang isang bagay na likas sa ating mga tao. Tulad nga sa kwento, kahit na lubusang nasktan ang mga Apostoles, ay pinag-uusapan pa rin nila ang sanhi ng kanilang pagdurusa.


Hindi ko ito maaaring pasinungalingan sapagkat nangyari na rin ito sa akin. Lubos akong naapektuhan sa pagpanaw ng anghel na si AJ Perez. Yung tipong parang kilala namin ang isa't isa, pero ang katotohana'y ako lang naman ang nakakikilala sa kanya. Kahit na masakit ay ibinabahagi ko ito sa aking mga kaibigan. Marahil siguro'y ang rason ay upang maibsan kahit papaano ang kirot sa aking puso.


Sa nangyari sa mga Apostoles, dahil hindi sila naniwala sa mga usap-usapan sa Herusalem na muling nabuhay sa Hesus, ay nanaig ang matinding kalungkutan sa kanilang mga puso. Ito ang naging dahilan kung bakit hindi nila napansin, na ang hinahanap-hanap nilang si Hesus ay kaharap na pala nila, hindi lang basta-bastang nakaharap, kundi nakasama pa sa malayong paglalakbay.


Sa buhay natin, kung kailan nais na nating tapusin ang ating buhay, ay hinahanap-hanap natin si Hesus at ipinagsisiksikan natin na hindi natin siya nakikita, tila ba'y natutulog. Ito'y malaking kasinungalingan! Dahil si Hesus ay kasama na natin mula pa sa pinakaumpisa. Hindi tayo kailanman iniwan at iiwan ni Hesus. Kahit sabihin pa nating tayo ang pinakamasama sa mundo, nariyan pa rin si Hesus para gabayan tayo. Wag nating sabihin na hindi tayo mahal ni Hesus dahil nakagawa tayo ng isang malaking pagkakamali, dahil ang pagmamahal sa atin ni Hesus ay walang kapares at walang kondisyon. Alalahanin po sana natin na ibinuwis ni Hesus ang kanyang buhay upang tayo ay maligtas. Sa mga sandaling tila ba'y sumasagi sa isipan natin na tayo'y itinakwil ng Panginoon, pakinggan natin ang ating puso, dahil sa mga sandaling katahimikan ang mananaig, doon natin mapagtatano na si Hesus ay matagal ng kumakatok sa ating dibdib. Dahil sa magulo nating isipan, ang hindi pagtanggap kay Hesus ay hindi na natin namamalayan.


Malinaw na ipinapaalala sa atin na kasalanan ang maawa sa sarili. Yung mga sandaling nasasambit na natin na, "Panginoon, asan na ang mga mahal ko sa buhay? Hirap na hirap na ako. Bakit walang tumutulong sa akin?" Malamang ay hindi na natin napapansin ang mga taong tumutulong sa atin.


Halimbawa rito ay ang sitwasyon kapag ikaw ay namatayan. Oo, masakit yun, sobra! Kung mahina kang uri ng tao, mawawalan ka talaga ng ganang gawin ang mga nakararaming mga bagay. Siguro'y iiyak ka na lamang buong araw at maaawa sa sarili mo. May mga taong makikiramay sa'yo. Karamihan nito'y magsasabi ng, "condolence." Pero, dahil gulung-gulo ang ating diwa ay hindi na natin ito napapahalagahan. Iyon ang malaking pagkakamali natin. Dahil sa mga oras na kailangan natin ng karamay, ay nagpadala na ng mga instrumento ang Panginoong Diyos. Kumatok na ang Panginoon sa ating mga puso, ngunit hindi natin Siya pinatuloy. Ngunit, sa hindi pagpapatuloy ay hindi naman magagalit ang Panginoon sa atin. Muli, wag po nating kalimutan na walang hangganan ang pagmamahal sa atin ng Panginoon. Kakatok at kakatok po Siya, nasa atin na kung patutuluyin ba natin o hindi.


Nais ko lamang din pong idagdag na kaya po naalala ng mga Apostoles na ang Diyos na ang kaharap nila sapagkat ang paghahati ng tinapay ay naganap din po sa Huling Hapunan ni Hesus at ng mga Apostoles bago Siya ipinako sa krus.


Isa ring aral na mapupulot natin sa kwento ay ang kahalagahan ng pagsisimba. Kung matatandaan natin na habang naglalakad sina Hesus ay ibinahagi nya sa mga Apostoles ang laman ng Lumang Tipan sa banal na Bibliya. Ito'y ay upang maliwanagan sila na may bagong pag-asa, na buhay si Hesus. Pagkatapos matanto ng mga Apostoles na tunay ngang buhay si Hesus, ay nagmadali silang tumungo pabalik sa Herusalem upang ipalaganap ang mabuting balita. Sa kasalukuyang panahon ay maihahanay natin ang mga pari ng simbahan sa mga orihinal na Apostoles ni Hesus. Ang mga pari ang nagiging instrumento ng Panginoon upang maipalaganap ang mabuting balita. Kaya naman, sana'y ang magiging dahilan ng ating pagsimba ay upang mas mapalapit tayo sa Panginoon. Huwag po sana tayong magsimba dahil may kakita tayo, o mamamasyal tayo, o kaya'y maganda ang altar o mukhang artista ang pari. Ang simbahan ang tahanan ng Panginoon, igalang po natin ito.


Mga kapatid, mga kapwa anak ng Diyos, hindi pa huli ang lahat upang tayo'y magbago tungo sa mabuting daan. Hindi po natin hawak ang kapalaran. Hindi po natin alam kung hanggan kailan ang itatagal ng kandali ng ating buhay. Isuko natin ang ating mga sarili sa Panginoon, paghingi ng tawad na may ganap na pagsisisi, at pangakong hindi na ito muling mangyayari.



Gods love Pictures, Images and Photos

Note to God: Dear God, unang-una po sa lahat, I just wanna say I'm sorry kasi po hindi po ako nakapagsimba last last Sunday. Second po, sorry rin po kasi hindi po ako nakagaw agad ng article bout sa mga learnings ko sa Holy Mass. Lord God, I have a lot of things to give thanks. Thank you po sa never-ending blessings na binibigay mo sa akin. Thank you po sa good grades and good class standing. Thank you po sa mataas na sales ng Sophie. Thank you po at nakasali ako sa Ateneo Writers Workshop. Of course po, ang forever kong mamahalin na 2MK-A na section, thank you po talaga and nasa 1st section po ako. Thanks po at dumarami na po ang friends ko sa current division ko na BM, and syempre po, nanjan pa rin po ang mga friends ko from SSE. Okay po, uhm, hindi po talaga mawala sa isip ko ang nangyari last Monday with my friends. Parang ugh, bakit hindi po nila maintindihan ang point ko? Like, when pa sila magbabago for the better? Gusto ko lang naman po silang masave sa Judgement Day eh kaya ko po sila laging nireremind sa mga values and will Nyo po na dapat sana'y always nakatatak po sa mind nila, sa mind namin. Okay lang po yun, sabi naman po kasi nila eh may faith naman po sila sa Inyo and pagbabago nila ay slowly but surely naman daw po. Thank you po and natulungan ko si Mikko, my friend, na ma-enlighten. It feels good po pala talaga na nagbubunga ang mga super effort mo kasi nakita ko po kay Mikko na she's changing na po for You. Lord, I know na these past few days ay parang napapalayo po ako sa inyo ng kaunti. Pls. always teach me to be humble. Sorry po kasi I know na, parang nagiging mayabang ulit ako at parang hindi na nakontento sa grade na 87. Sorry kasi I crumpled my paper po in Macroeconomics nung makita ko na 87 ang grade ko for midterm. Narealize ko po nasa ay naging thankful nalang dapat ako kasi nga line of 7 yung iba kong classmates eh. Sorry kasi napagmayabangan ko ang mga PolSci friends ko with my prelim grades, ugh, andami kong kasalanan Lord. Sorry for hurting You. Sorry Lord kasi nakakalimutan kong maging isang role model sa mga students like nagtetext po ako sa klase, hindi po ako nagpapa-attendance sa PhilCon, minsan inaantok po ako sa room, atbp. I hope Lord na you'll forgive me and mabigyan po sana ako ng enough time para mabago ko po ang mga ito. You know what Lord, naalala ko yung isa kong Fb friend na kahit hindi ko siya kilala personally, nagPM sya sa akin sa Fb and she said na idol nya raw po ako. I wondered why and sabi nya po ay the way daw po ako magsulat ng mga articles. Lord, double thanks. Una po, dahil may mga taong nagmamahal sa akin kahit hindi ko talaga sila kilala. Ang sarap po pala ng feeling na iniidilo ka ng mga tao. Parang it inspires me po to do more. Kumbaga po, isa po sila sa mga reasons kung bakit gusto ko pang mabuhay. Lord sana, sana po ay I can have more time here on Earth para maka-inspire pa po ako ng maraming tao and ma-spread ko pa po ang words Nyo po. Pangalawa po Lord, thank you po talaga sa gift of writing skills na iginawad nyo po sa akin. Thank you po kasi through this ay nagiging instrument nyo po ako sa mga tao. Lord, sana po ay ma-grant sa akin ang scholarship. You know naman po na tagilid talaga kami ngayon financially and I want to stay po talaga in Ateneo. Lord, sana po ma-scholar ako. Hindi ko pa po kayang magplano ng student life outside Ateneo. Lord, sana po ay tuluy-tuloy ang ang mga blessings na dumarating sa life ko, at sa aming family. Sana po ay gabayan Mo po ako sa pagspread ng good news about You po kasi baka erroneous ang mga pinagsasabi ko edi mas lalo pa po akong naging makasalanan. Ilayo mo po ako sa mga temptations. Thank you po pala kasi napipigilan ko na ang sarili ko na kiligin, kung kikiligin man po ako ay iba po ngayon kasi kinikimkim ko nalang po. Lord, You know naman po siguro kung bakit ko po pinipigilan ang sarili ko na kiligin. There saying na Judgement Day na raw po sa May 21. Ako po, nasa gitna lang. Naniniwala po kasi ako na walang nakakaalam kung kelan talaga tayo magtatapos kasi Ikaw lang po ang nakakaalam nun. Kung totoo man pong May 21, sana po ay ready kami, kaming mga anak nyo po. In behalf of the world human population, sana po ay patawarin nyo kami sa aming mga sala Lord. Lord God, thank you po sa mga friends ko na laging nandyan for me. Tulad nga po ng lagi kong sinasabi, sila po ang aking mga living guardian angels kasi po, nagtutulungan po kami tungo sa matuwid na daan. Lord, pls. give my family enough strength in facing obstacles in life. Sana po ay lahat ng mga mahal ko sa buhay ay laging okay. Sa mga in need po of Your help, sana ay wag po silang sumuko kasi in Your time po, I know na everything will be okay. I just wanna say hi sa mga guardian angels ko po jan sa heaven, my lolos, lolas, mga sumakabilang buhay ko po na mga friends like Rhea Axalan, sa tatay po ni Sef, sa uncle ko po, kay AJ Perez at sa lahat ng mga nagbabantay sa akin. Lord I'm praying na yung mga nasa purgatory po ay ma-purify po sila and makasama nyo po sila sa heaven. Sa mga souls and spirits na wala na pong nakaalala, from the bottom of my heart, I'm praying for them po. Thank you Lord! Dominican Saints, pray for us. St. Francis of Assisi, pray for us. I love you Mama Mary, I love you Papa Jesus, I love you Papa Joseph, and arriba!



Follow ejsumatra on Twitter

No comments:

Post a Comment